top of page
Search

Bagong Senior Citizens Center at NCSC Satellite Office, Binuksan sa Pateros


Sa pagtutulungan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) at lokal na pamahalaan ng Pateros, pormal nang binuksan ang Senior Citizens Center (SCC) sa Sta. Ana Multi-Purpose Building, E. Ragas Street, Pateros, noong Huwebes, 28 Mayo 2026.


Kasabay nito, inilunsad din ang kauna-unahang satellite office ng NCSC sa Metro Manila na maglalapit ng agarang tulong at serbisyo para sa tinatayang 10,000 senior citizens sa naturang bayan.


Sa ngalan ni NCSC Chairperson at CEO Atty. Ma. Merceditas N. Gutierrez, ibinahagi ni Acting Executive Director Ana Marie C. Calapit ang taos-pusong pasasalamat ng Komisyon sa patuloy na suporta ng Pateros sa mga inisyatibo para sa mga nakatatanda.


Ayon kay Dir. Calapit, nasa 700 pang munisipyo at lungsod sa buong bansa ang target na matulungan ng NCSC sa pagtatatag ng kaparehong SCC.


“Asahan ninyo na ang aming ahensya ay maghahatid ng technical assistance sa Pateros SCC sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan para sa legal, medikal, at iba’t ibang serbisyo,” pahayag ni Dir. Calapit.


Layon ng bagong pasilidad na ilapit sa mga senior citizens sa Pateros ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan at hikayatin silang makibahagi sa mga aktibidad sa komunidad.


Sa pamamagitan ng SCC, isasagawa rin ang training needs assessment para sa posibleng kabuhayan at skills development ng mga senior citizens, gayundin ang mga mini job fair.


Bilang paunang aktibidad, naisagawa na sa SCC Pateros ang “Seminar on Healthy Aging and Nutrition” at “Capacity-Building for Senior Citizen Organizations on Leadership and Governance,” na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang senior citizen organizations mula sa National Capital Region (NCR).


Nagpasalamat naman ang lokal na pamahalaan ng Pateros sa suporta ng NCSC at nangakong lalo pang palalakasin ang pasilidad at mga serbisyong iniaalok nito bago matapos ang taon.


“Hindi ito posible kung wala ang tulong nila [NCSC]. Wala tayong ibang hangad kundi ang kabutihan ng ating mga senior citizens. I-maximize po natin ang pasilidad at ang building na ito na para talaga sa ating senior citizens,” saad ni Municipal Mayor Gerald S. German.


Samantala, binigyang-diin ni NCSC-NCR Regional Director Anthony August Balute na ang pagbubukas ng SCC at satellite office sa Pateros ay magpapabilis sa paghahatid ng serbisyo sa mga senior citizens sa lugar.


“Marami pa pong mangyayari sa mga susunod, lalo pa’t may satellite office na po ang NCSC para mas mailapit pa namin at matugunan nang mas mabilis ang inyong mga pangangailangan,” ani Balute.


Batay sa Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2025, umaabot na sa halos 11 milyon ang senior citizens sa bansa, na patuloy na nangangailangan ng mas pinalakas na social protection at community-based support systems.


Ang pagbubukas ng SCC sa Pateros ay bahagi ng pinalawak na adbokasiya ng NCSC na magtatag ng accessible at community-based senior citizen centers sa iba’t ibang lokalidad sa buong bansa, bilang suporta sa mas inklusibong serbisyo para sa tumatandang populasyon. ■

 
 

Notice:  Please do not raise your concern as comment in this posting.  In order to address your concern directly, please email us at contact@ncsc.gov.ph or visit the lower section of our home page for more contact information.

bottom of page