NCSC, Naipamahagi na ang tig-P100K Centenarian Cash Gift para sa 4 na Aeta sa Capas, Tarlac
- Information Management
- Feb 13
- 2 min read
Updated: Feb 26

Agarang ipinamahagi ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang tig-P100,000 cash gift para sa apat (4) na Aeta centenarians ngayong Miyerkules, 11 Pebrero 2026, sa Capas Events Center, Tarlac.
Bukod sa cash grant, ipinaabot din ng NCSC ang felicitation letter mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang pagbati at pagkilala sa apat na katutubo.
Ayon kay NCSC Chairperson at CEO Atty. Ma. Merceditas N. Gutierrez, naging mabilis ang tugon ng Komisyon sa aplikasyon ng mga Aeta centenarian, alinsunod sa Expanded Centenarians Act (ECA).
Pinasalamatan niya ang lahat ng naging kabahagi para agad na maisagawa ang pamamahagi ng cash gift para sa kababayan nating katutubo.
“Kaya talagang maibigay ang nararapat na regalo para sa mga Pilipinong senior citizens kung magtutulungan tayo mula lokal hanggang nasyonal na pamahalaan,” pahayag ni Atty. Gutierrez.
Tinitiyak ng NCSC na mas bibilis pa ang pamamahagi dahil maaari nang makapili ang mga grantee kung cash o bank transfer nilang matatanggap ang ECA grants.
“Hindi natin pahihirapan at ipagkakait sa mga mahal nating senior citizen ang deserve nilang regalo sa bawat pagtuntong sa milestone years. Isang malaking biyaya ito para sa kanila,” saad pa niya.
Nagpahayag rin ng pasasalamat si Capas, Tarlac Mayor Roseller Rodriguez dahil mabilis ang naging koordinasyon at pakikipagtulungan ng NCSC sa kanilang lungsod.
Samantala, nagpaabot din ng personal na pagbati sina Rep. Milagros Aquino-Magsaysay at Rep. Rodolfo ‘Ompong’ Ordanes sa mga Aeta at ibinalita ang mga gumugulong na panukala para sa mga senior citizen.
Unang umugong sa social media ang video na sinasabing hindi nakatanggap ng centenarian cash gift ang apat na katutubo dahil sila umano ay “overaged.”
Muling nililinaw ng NCSC na nitong 09 Pebrero 2026 lamang natanggap ang kanilang aplikasyon at endorsement letter mula sa LGU— isang taon makalipas ipasa sa Komisyon ang pamamahala sa ECA.
Nananatiling prayoridad ng NCSC na matiyak na ang bawat katutubong senior citizen ay hindi malilimutan kahit ilang henerasyon man ang dumaan. ■



